Tag: musings

  • Musings habang gumagawa ng salad

    Musings habang gumagawa ng salad

    Hi, Bagong Nanay.

    Raw and unfiltered ito. Gusto ko lang isulat dahil may oras ako.


    “I feel such a sense of loss when I think of the great, unwritten poems that took a backseat to polished floors.”

    -Brigid Schulte, “A Woman’s Greatest Enemy? A Lack of Time for Herself,” The Guardian.com

    Ang dami kong gustong isulat na istorya.

    Teka, pupunuin ko muna itong bote ng tubig.

    Istorya ng araw-araw na buhay bilang isang nanay.

    Marahil simple at hindi marangya, pero hindi ba’t nakakatuwa na nabubuhay ka at naisusulat ito.

    Baka mapanis na ang pagkain sa ref, kainin ko na kaya?

    Pero magsusulat muna ako ng istorya.

    May panahon na akala ko hindi ko na maaabutan ang araw na ito.

    Day off ko, tahimik sa sala, naghanda ako ng baong salad para sa asawa kong papasok sa opisina.

    Sa unang pagkakataon, habang ginagayat ko ang lettuce na bigay ng kapitbahay at pinipili ang pinakamagagandang dahon para sa baon, kumuha din ako ng lalagyan para sa akin. Tinanggal ko ang maiitim na lettuce, ang bilis nila masira! Nilagay ko ang karamihan ng magagandang dahon sa baunan ni Tatay, at kumuha rin ako ng kaunti para sa akin.

    Hindi, marami akong kinuhang magandang dahon para sa akin.

    Kung anong laman ng salad ni Tatay ay ganun din ang laman ng salad ko. Hindi lang pinagtabasan, hindi lang tira. Hindi lang yung sira na. Nilagyan ko din ng sesame oil, kahit alam kong mahal yun. Pati Himalayan salt. Kumain ako ng mag-isa sa sala. Payapa, dahil nagpapaaraw ang aking anak na isa kasama ng kanyang yaya. Yung isa naman ay tulog pa sa taas, katabi ng pinsan niya.

    Kaunting kuwento: alam kong lahat ng hinahanda kong pagkain para sa mister ko ay kinukuhanan niya ng litrato. Mapa-ulam, merienda, o kahit ano. Napaisip tuloy ako, “Pag namatay ba ako, may slideshow din ng mga pagkaing niluto ko?”

    Teka, iaakyat ko muna itong maduming pajama. Ay, mamaya na. Lalasapin ko muna ang sandaling ito. Inaantay kong bumaba si Tatay, dahil kapag nakita ko na siya, makikita na niya ako. Nandito ako, ang kanyang asawa at nanay ng mga anak niya, buhay at masaya.

    Payapa. Tahimik. Magaan. Buhay.

    Kaya habang nagpupuno ako ng basyo, dahil naiabot ko na kay Tatay ang baon niya, naisip ko, “Bakit hindi kaya ako magsulat ng istorya?”

    At ang istorya ng aking buhay ay isang bagay na hindi kailanman maisusulat ng kahit sino, kahit pa AI.

    Kaya umakyat ako, pumwesto sa aking mesa, binuksan ko ang aking matandang laptop na nauna pa sa aking kasaysayan bilang ina.

    Sumulat ako ng istorya habang tahimik pa, at habang naaalala ko pa.

    Ang istorya na naisulat ko ay kung paanong nandito pa ako sa oras na ito, kahit na napakaraming beses na inisip ko noon na sana wala na.

    Ito ang pinakamagandang istorya ng buhay ko: Iniligtas ako ng Diyos.

    At kung nasa panahon ka ngayon na magulo, madilim, at walang kasiguraduhan, pumanatag ka:

    Hindi ka lang nanay.

    Anak ka rin Niya.


    Judy

    PS. Habang buhay ako, medyo mga ganitong content ang gagawin ko. Labyu all.